Sugatang NPA, sumuko sa militar sa T’Boli, South Cotabato

SUMUKO sa tropa ng gobyerno ang isang sugatang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa T’Boli, South Cotabato.

Kinilala ni Captain Krisjuper Andreo Punsalan, commanding officer ng 5th Special Force Battalion ang sumuko na si Ricky Lumbay, alyas Jeric, 20 taong gulang na bahagi ng Guerilla Front Musa (GF MUSA) ng Far South Mindanao Regional Committee (FSMRC).

Ibinaba rin nito ang isang 5.56 M16A1 Carbine rifle.

Isa si Lumbay sa communist terrorist na nasugatan sa engkwentro sa Barangay Tudok noong Disyembre 27, 2021 hanggang Enero 2022.

Sa kwento ni Lumbay, tumalon siya sa bangin nang marinig ang putukan dahilan para siya’y mapilay at masugatan habang nagtakbuhan ang iba pa niyang kasamahan.

Dahil din sa pagod, gutom at sakit ng katawan na dinanas matapos na maligaw ay gumawa ng paraan si Lumbay upang  makalapit sa kinauukulan at tuluyang sumuko.

Agad namang tumanggap ng medical at financial support si Lumbay mula sa Local Government Unit ng T’Boli.

SMNI NEWS