NAGBABALA ang Department of Agriculture (DA) sa posibilidad na bumilis ang hawaan ng African swine fever (ASF) ngayong summer vacation.
Ayon kay Assistant Secretary at Deputy spokesman Rex Estoperez, maraming tao ang tiyak na magbabakasyon at magpipiknik ngayong summer season kaya’t malaki ang posibilidad na bumilis ang pagkalat ng virus.
Aniya, ito’y dahil madaling makahawa ang naturang karamdaman sa panahon ng dry season lalo na’t sa ganitong mga panahon ay hilig ng mga Pilipino ang mag-piknik gamit ang pork products.
Nanawagan si Estoperez sa publiko na iwasan muna ang pagdadala ng mga sariwa o lutong pork at pork products sa pagbiyahe sa mga lalawigan, bilang pakikiisa sa pagsusumikap ng pamahalaan na makontrol ang pagkalat pa ng ASF sa bansa.