Sundalo sa rescue operation ng bumagsak na Cessna plane sa Albay, tinambangan ng CTG

Sundalo sa rescue operation ng bumagsak na Cessna plane sa Albay, tinambangan ng CTG

TINAMBANGAN ng mga miyembro ng communist terrorist group (CTG) ang dalawang sundalong tumutulong lang sana sa rescue operation sa bumagsak na Cessna plane sa Albay.

Hustisya ang sigaw ngayon ng mga isa sa mga kaanak ng nasawing sundalo kasunod ng ginawang pananambang ng mga miyembro ng CTG sa Albay.

Batay sa impormasyon, sinamantala ng CTG ang pagiging abala ng tropa ng 31st Infantry Battalion sa pagtulong sa isinasagawang search and rescue operation sa bumagsak na Cessna plane sa Albay.

Napag-alaman, na tinambangan ang 2 sundalong namimili lamang ng suplay sa Brgy. Cotmon, bayan ng Camalig alas siyete ng umaga nitong araw ng Lunes, Pebrero 20.

Kinilala ang mga biktima na sina Pvt. John Paul C. Adalim at Pvt. Mark June D. Esico na nagtamo ng matinding tama ng bala sa kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Napag-alaman na habang nasa palengke ang 2 sundalo ay 5 armadong kalalakihan ang sa kanila’y nag-abang kung saan 3 rito ang walang habas na namaril sa mga biktima.

Kaugnay nito, ikinadismaya mismo ng pamunuan ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) ang ginawa ng mga armadong grupo.

Ayon kay Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) ipinakita lang aniya ng mga komunistang ito ang kanilang kaduwagan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay kabilang na ang mga sundalong nakatalaga sanang magpaabot ng tulong at magsalba ng buhay ng ating mga kababayan.

 “Pagpapakita rin ito ng kanilang kaduwagan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay kabilang na ang mga sundalong nakatalaga sanang magpaabot ng tulong at magsalba ng buhay ng ating mga kababayan,” ani Adonis Bajao, Commander, 9th Infantry “Spear” Division-JTFB.

Giit pa ni Bajao, desperado na aniya ang mga NPA dahil sa sunud-sunod na operasyon ng militar sa mga kabundukan lalo na sa Kabikulan na nagpapahina sa pwersa ng mga kalaban ng estado.

“Masyado nang desperado ang mga teroristang grupo dahil sa walang humpay na operasyon sa kabundukan ng Philippine Army na nagpapahina pa lalo sa kanilang grupo,” dagdag ni Bajao.

“Sa pangyayari pong ito, sa ngalan po ng JTFB, ako po ay nagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilyang naiwan ng ating mga bayaning sundalo,” ani Bajao.

Sa ngayong patuloy pa rin ang isinagawang search and rescue operations sa crash site habang wala pa ring natatagpuang bakas ng buhay mula sa 4 na sakay ng Cessna 340A aircraft na sumalpok malapit sa bibig ng Bulkang Mayon sa bahagi ng Camalig, Albay.

Follow SMNI NEWS in Twitter