Sunod-sunod na pagkapanalo ni EJ Obiena, dapat papurihan – Sen. Jinggoy

Sunod-sunod na pagkapanalo ni EJ Obiena, dapat papurihan – Sen. Jinggoy

PARA sa kanyang sunod-sunod na panalo sa mga international competition at matagumpay na kampanya ngayong taon na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas, idiniin ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na nararapat na bigyan ng pagkilala at papuri ang pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena.

“Bagamat tiyak akong malayo pa ang iyong mararating at marami ka pang maiuuwing medalya para sa bansa, para sa akin, naka-ukit na sa kasaysayan ng Philippine sports ang pangalang EJ Obiena bilang isa sa pinakamagaling na atleta ng bansa,” ani Estrada sa kanyang co-sponsorship speech kaugnay sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 222 na pinupuri si Obiena.

Base sa talaan ng World Athletics Organization sa nakalipas na anim na taon, sinabi ni Estrada na nakahakot si Obiena ng medalya na halos doble sa kanyang kasalukuyang edad na 26 mula sa iba’t ibang international competitions.

Nakasungkit si Obiena ng 17 na medalya mula sa 22 events na nilahukang kumpetisyon sa ibang bansa sa loob ng kalahating taon, 12 ay ginto, dalawang pilak at tatlong bronze.

Si Obiena rin ang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng bronze sa World Athletics Championships sa Oregon, USA noong Hulyo 24.

Na-reset rin niya ang Asian at personal na pinakamahusay na mga record.

Ang kanyang determinasyon, tiyaga at paglilinang ng kanyang kahusayan sa kabila ng maraming mabibigat na hamong kinaharap ang nagbunsod sa tagumpay at paghahakot ng medalya ni Obiena.

“Ang nagpaangat sa ating pole vault champion mula sa hanay ng iba at nagpatamis ng kanyang tagumpay ay ang bilang ng mga hamon na kanyang kinailangang harapin at pagtagumpayan. Hindi po naging madali ang mga pinagdaaan ng batang ito ngayong taon. Nagkaroon sya ng operasyon sa tuhod sa unang bahagi ng taon at nahawa rin sa COVID nitong kalagitnaan ng taon, dahilan para hindi siya makadalo sa ilang kumpetisyon. At siyempre, nariyan din ang high-profile na kontrobersyang hinarap niya sa PATAFA (Philippine Athletics Track and Field Association),” sabi ni Estrada.

“Ngunit tulad ng isang tunay at propesyonal na atleta, napanatili nya ang pagiging kalmado at ginamit ang mga hamong ito upang mag-udyok sa kanya bilang motibasyon na manalo at maging mahusay na kinatawan ng bansa sa international stage. Tunay na EJ itong si EJ – Extraordinary Jumper,” dagdag pa niya.

Binanggit din ng mambabatas na kahit na sumikat at nagawa niyang talunin ang mga mabibigat na kalaban sa mga international competition, nanatili siyang mapagpakumbaba, bukas-palad ang suporta sa kanyang mga magulang, coach at mga taga-suporta mula sa gobyerno.

Nakuha rin niyang magbigay-pugay sa mga nauna sa kanya at nagdala sa kanya sa sport na ito.

Ang fighting spirit ni Obiena, determinasyon na maghangad ng mas mataas na parangal at ang hindi matitinag na pagnanais na maging mas mahusay ay mga positibong katangian na maaaring tularan ng mga nakababatang henerasyon, sabi ng senador.

 “Ang kanyang mga nagawa sa kanyang murang edad ay dapat bigyan ng pagkilala at ipagdiwang upang magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan na pumasok sa larangan ng palakasan kung saan natututunan ang disiplina sa sarili, pag-unlad ng pagkatao at pagiging makabayan. Si Obiena ay isang national pride na ang tagumpay, world-class na kasanayan at pagpapakita ng sportsmanship ay nagpapataas ng imahe at katayuan ng bansa sa international community,” sabi ni Estrada.

 

Follow SMNI News on Twitter