SUNUD-sunod na insidente ng pamamaril ang naitala sa Estados Unidos ilang linggo makalipas ang Bagong Taon.
Patunay ito na hindi pa kontrolado ang gun violence sa bansa ayon sa isang opisyal.
Kaugnay nito, isang 18 taong gulang ang nahaharap ngayon sa kasong murder sa pamamaril sa 2 teenager sa Des Moines, Iowa sa ginaganap na Starts Right Here Mentorship Program kasunod ng pag-aaway ng isang gang.
Naiulat din na sugatan sa insidente ang founder at president ng nasabing programa.
Sa unang mga linggo pa lang ng 2023, halos 40 mass shootings na ang nangyari sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagresulta ng nasa 69 kataong nasawi.
Nitong nagdaang weekend, kung saan ang Asian-American community ay nagdiriwang sa Lunar New Year, isang insidente na naman ng pamamaril ang naganap sa Monterey Park, California kung saan 11 katao ang nasawi at ikinasugat ng 9 na iba pa.
Ang suspek ay pinaghihinalaang isang 72 taong gulang na si Huu Can Tran.
Noong Lunes, 2 magkahiwalay na pamamaril ang nangyari.
Isa sa Half Moon Bay, California at isa naman sa Des Moines, Iowa.
Sa Des Moines, Iowa, 2 estudyante ng isang charter school ang nasawi sa pamamaril sa loob ng paaralan ng 3 pinaghihinalaang suspek ang agad ding naaresto sa isang traffic stop, 2 milya ang layo mula sa paaralan ayon sa pulisya.
Maliban sa 2 estudyanteng nasawi, isa pang 49 taong gulang na residente ng Altoona na si William Holmes, founder at CEO ng Starts Right Here ang sugatan at nasa kritikal na kondisyon sa naturang pamamaril.
Ayon sa pulisya, gang-related ang nasabing insidente ng pamamaril sa lugar.
Samantala, sa insidente ng pamamaril sa Half Moon Bay, California, 7 katao ang namatay at isa ang nasa kritikal na kondisyon.
Nangyari ang pamamaril sa isang mushroom farm at sa isang trucking facility na 2 milya ang layo mula sa nasabing farm.
Hawak na ngayon ng mga pulis ang 66-year-old na suspek na si Chunli Zhao.
Kamakailan lang ay hinimok ni President Joe Biden ang Kongreso na bilisan ang pagpasa ng 2 bill na magba-ban sa mga assault weapon at itaas ang purchasing age nito sa 21 taong gulang.
Iniulat ng pulisya na ang insidente ay kasunod ng pag-aaway away ng mga gang. Samantala, ayon sa mga opisyal ay patuloy pa itong nagsasagawa ng imbestigasyon.