Suplay ng kuryente balik na sa normal —Department of Energy

Suplay ng kuryente balik na sa normal —Department of Energy

SINABI ng Department of Energy (DOE) na kaya nang matugunan ang demand ng suplay ng kuryente dahil sobra-sobra na ito matapos ang tatlong araw na rotational brownouts.

Ayon sa DOE, walang nangyaring rotational brownout kaninang umaga at aasahan ng publiko na magtutuloy-tuloy ito hanggang kinabukasan dahil sapat na ngayon ang suplay ng kuryente.

“Normal na po ang supply ng kuryente for today. Ang supply po is more than sufficient to meet the projected demand today,” pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Aniya, ang projected demand ngayong araw ay nasa 10,300 megawatts habang ang suplay naman ay umaabot ng 11,600 megawatts.

Pero kahit sobra ani Cusi, mayroon pa ring apat na planta na aabot ng 1,372 megawatts ang kapasidad ang nanatiling nakasara sa ngayon.

Muling ipinaliwanag ng Energy secretary na dahil sa sabay-sabay na pag-breakdown ng 4 na malalaking planta, naging kapos ang suplay ng kuryente at kailangang magsagawa ng manual load dropping o rotational brownouts.

Sa advisory ng DOE, as of 9AM nasa normal system condition na ang Luzon grid.

Saad ng DOE sapat ang suplay ng kuryente ngayon dahil bumaba ang demand dulot ng masamang kondisyon ng panahon.

Ibig sabihin hindi masyadong nangangailangang magbukas ng electric fan, aircon at iba pang appliances dahil sa medyo malamig na klima bunsod ng Bagyong Dante.

Ayon pa sa ahensya, kung bigla namang tataas ang demand ay walang aasahang rotational brownouts sa buong araw.

Sa detalye ng kagawaran, ang mga planta na may kapasidad na 435 megawatts ang nasa planned outage o naka-schedule ang kanilang pagsara, habang ang mga powerplant na aabot sa 1,342 megawatts ang kapasidad ang nasa unplanned maintenance activity.

Samantala, nabawasan ang kapasidad ng Ilijan Power plant mula 835 megawatts ay naging 716 megawatts na lang ang kaya nito dahil sa patuloy na gas restriction sa Malampaya simula pa noong nakaraang linggo.

Ang Pagbilao Coal-Fired Power Plant Unit 2 na may kapasidad na 382 megawatts na kasalukuyang naka-forced outage o nakapatay na wala sa plano simula pa noong Hunyo 2 ay aasahang makakabalik sa serbisyo sa Hunyo 6.

Sa Hunyo 8 naman ay maaari nang magbukas muli ang GNPower Mariveles Energy Center o GMEC Coal-Fired Power Plant Unit 2 na naka-forced outage simula pa noong Hunyo 1.

Habang ang unit 1 nito na naka-unplanned outage rin simula pa noong unang linggo ng Pebrero ay aasahang makakabalik na sa Agosto 31.

Ang Sem-Calaca Coal Fired Power Plant Unit 2 naman noong Disyembre 3 ng nakaraang taon pa naka-force-outage ay maaaring magamit muli sa unang araw ng Hulyo.

Saad ng DOE patuloy ang kanilang pagmo-monitor sa sitwasyon ng kuryente at regular na ipapaalam sa mga konsyumer ang status ng power supply.

“We have been working closely with the other enforcement agencies in pursuing options available to us to ensure that unplanned, prolonged, and perhaps even alleged malicious activities of certain players in the energy sector are scrutinized, investigated, and possibly penalized by the Energy Regulatory Commission (ERC), the Philippine Competition Commission, and the Department of Justice,” pahayag ng DOE.

Saad naman ni Cusi inuutos na niya sa kagawaran na imbestigahan ang posibleng sabwatan sa pagitan ng mga power plant.

Dagdag ng Energy secretary hindi maiiwasan ang mga aberya at mga preventive maintenance ng mga power plant ngunit para maiwasan ang pagkakaroon ng rotational brownouts ay dapat maitatag na ang kinakailangang power reserve.

“Ito ang isang malaking problema, at ito ay alam ng Senado, alam na ito ng publiko, matagal ko nang sinasabi ito — kakulangan ng reserve,”ani Cusi.

(BASAHIN: Suplay ng kuryente, sapat ngayong summer —DOE)

SMNI NEWS