TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko, sa muling pagbabalik ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila na walang dapat ikabahala at hindi kailangang mag-panic buying dahil sapat ang suplay ng pagkain.
Ito ang pagsisiguro ng DTI sa nalalapit na implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa kalakhang Maynila sa darating na Agosto 6-20.
Tiniyak ng ahensya na mayroong sapat na suplay ng pagkain at walang mga pagbabago sa Suggested Retail Price (SRP) sa panahon ng ECQ sa Metro Manila.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na hindi na kailangang magtago o mag-imbak ng pagkain dahil pinapayagan naman ang publiko na lumabas ng bahay upang makapamili ng mga pangunahing bilihin.
Muli namang nagpaalala si Lopez na tanging ang mga lalabas lamang ng bahay na kailangang bumili ng essentials ang papayagan sa oras na isailalim na sa ECQ ang National Capital Region (NCR).
Mananatiling bukas ang mga essential stores at services tulad ng mga grocery store at mga pharmacy sa panahon ng ECQ.
Ang muling paghihigpit sa community quarantine ay dahil sa lumalalang pasahan ng COVID-19 sa mas nakahahawang variant.
Base sa ulat ng Department of Health (DOH) kahapon, nakapagtala ng 8,735 na karagdagang kaso ng COVID-19.
Samantala, mayroon namang naitalang 5,930 na gumaling at 127 na pumanaw.