UMANI ng batikos sa social media ang Land Transportation Office (LTO) mula sa mga driver’s license holder.
Karamihan kasi sa mga nag-apply at nag-renew rito ay hindi na nakatanggap ng plastic card.
Ito’y naka-imprenta na lamang sa puting papel na ikinadismaya ng mga Pilipino.
Tanong tuloy sa LTO, nagkukulang na ba sa suplay ng plastic card para sa driver’s license?
“As of today…license, itong pagkakulang last week of April,” saad ni Asec. Jay Art Tugade, LTO chief.
Sa ibinahaging datos ng LTO, nasa higit 30,000 katao ang kumukuha ng driver’s license araw-araw.
Pero, sa ngayon ay nasa mahigit 140,000 plastic cards na lamang ang natitira.
“Bilang ng natitirang plastic cards para sa driver’s license 147,000, mauubos na sa katapusan ng Abril,” ayon sa LTO.
Paliwanag ni LTO chief Assistant Secretary Jay Art Tugade, Nobyembre pa lang nang ipinag-utos niya na magkaroon ng imbentaryo sa plastic cards para sa driver’s license.
At dito natukoy na nasa critical level o nauubos na ang suplay nito.
Kung kaya’t, ipinag-utos nito na ituloy ang procurement process para sa pagbili ng plastic cards noong Disyembre.
Nagkakahalaga ng P240-M ang procurement cost para sa P5.2-M na plastic cards na isusuplay sana sa loob ng isang taon.
Pero, Enero 25, 2023 nang maglabas ng Special Order (SO) 2023-024 ang Department of Transportation (DOTr).
Nakasaad sa naturang SO na lahat ng procurement activities ng LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na lagpas sa P50-M ang halaga ay dapat nang hawakan ng DOTr Central Office sa ilalim ng ‘Centralized Bids and Awards Committee (CBAC).’
“When they issued the SO, they did not allow us, had we been able to continue right now,” dagdag ni Tugade.
Gayunpaman, gumagawa na ng hakbang ang LTO upang tugunan ito.
Magbibigay muna aniya sila ng temporaryong driver’s license na nakaimprenta sa isang papel.
“Pag sila ay nag-renew…apprehended,” ani Tugade.
Nakipagpulong na rin ang LTO sa Highway Patrol Group (HPG) at ilang deputized agents tungkol sa pagpapagamit ng Official Receipt (OR) bilang temporary driver’s license.