Suporta ni DILG Secretary Abalos sa war on drugs, morale booster – PNP

Suporta ni DILG Secretary Abalos sa war on drugs, morale booster – PNP

IKINATUWA ng buong hanay ng Philippine National Police (PNP) ang  ipinakitang suporta ng Marcos administration sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Kasunod ng isinagawang media briefing ng bagong upong Interior Secretary Benhur Abalos, malugod na tinanggap ng PNP ang pahayag ng kalihim na makikiisa ito sa mga operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, magsisilbing morale booster sa mga pulis ang pahayag ng kalihim.
Mahusay aniyang ipinapahayag ng kalihim ang pambansang polisiya upang mapanatili ang momentum ng kampanya laban sa iligal na droga.
Naniniwala rin si Alba na makakatulong ito sa legal na opensiba ng pulisya sa kampanya kontra iligal na droga at kriminalidad.
Una nang tiniyak ni Abalos na pagtutuunan din nito ng pansin ang matibay na pagsasampa ng kaso ng pulisya laban sa mga mahuhuling drug suspects upang hindi ito mabasura sa korte.