Suporta ni Sen. Imee sa pamilya Duterte at mga Dabawenyo, pinasalamatan ni VP Duterte

Suporta ni Sen. Imee sa pamilya Duterte at mga Dabawenyo, pinasalamatan ni VP Duterte

NAGPAABOT ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte kay Senator Imee Marcos.

Sa isang pahayag, sinabi ni VP Duterte na siya ay nagpapasalamat sa senador sa suportang ipinakita nito sa kaniya, sa kaniyang pamilya, sa mga Dabawenyo, at sa buong Davao City.

“Daghang salamat Sen. Imee Marcos sa imong suporta kanako, among pamilya, sa mga Dabawenyo ug katibuk-ang siyudad sa Dabaw,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi pa ni VP Duterte, na prinsipyo lang ang mayroon silang pamilya Duterte at tanging maipagmamalaki nila ay ang kanilang isang salita para sa kapakanan ng bayan.

“Prinsipyo lang ang meron kami, wala ng iba. May isang salita para sa kapakanan ng bayan – ito lang ang ipinagmamalaki namin,” ayon pa kay VP Duterte.

Matatandaan na sa panayam ng Laban Kasama ang Bayan kay Sen. Imee kamakailan, sinabi ng senador na dinepensahan niya ang mag-amang Duterte laban kay House Speaker Martin Romualdez.

Ito nga aniya ang dahilan kung bakit nagtampo sa kaniya si Romualdez.

“Alam ko may tampo sa akin. Papaano, sinabi ko naman ng loud and clear na hindi na tama ang ginagawa ninyo kay VP Sara at kay Presidente Duterte. Hindi tama iyon,” saad ni Sen. Imee Marcos, Republic of the Philippines.

Ipinagtataka aniya ng senadora kung bakit inaaway ang mag-amang Duterte na hindi naman sila nakikipag-away.

“Matapang nga, eh ang bait bait sa atin. Wala namang ginawa kundi tumulong. Nakipag-alyado kaya nakabalik. Ano bang gusto mo? Bakit natin inaaway ang hindi nakikipag-away. Nagalit sa akin. Bakit daw ganoon? Mas Duterte pa daw ako kaysa Marcos. Sa loob-loob ko, hindi ka naman Marcos. Hello,” ani Sen. Imee.

Follow SMNI NEWS on Twitter