ARESTADO ng Police Intelligence and Investigation Department (PIID) ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa pakikipagtulungan ng Quezon City Police ang suspek na ang modus ay magpanggap na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3 at magtangay ng mga bagahe mula sa mga tunay na pasahero galing ibang bansa.
Ayon kay Airport Police Department Col. Bing Jose sa SMNI News, agad silang nagsagawa ng aksiyon matapos inireklamo ng 2 pasahero mula Spain at Hong Kong na tinangay ng suspek ang kanilang mga bagahe matapos ito ay nagpakilalang isang pasahero.
Kinilala ang suspek na si Juvy Banaag Zamora at modus nito na kaibiganin ang mga tunay na pasaherong dumarating galing abroad at kapag nakuha na ang tiwala nito sa mga pasahero kunwari siya ang magbabantay ng mga gamit nito kung ang mga pasaherong nabibiktima niya ay pupunta ng palikuran o kakain lang.
Agad niyang tatangayin ang mga gamit nito at isasakay sa isang taxi.
Pero sa pamamagitan ng CCTV at pagtukoy ng taxi driver kung saan niya hinatid ang suspek sa isang hotel sa Quezon City, doon naaresto si Zamora.