Suspek sa pagpaslang at pananamantala sa anak ng OFW, tukoy na –OWWA

Suspek sa pagpaslang at pananamantala sa anak ng OFW, tukoy na –OWWA

KINUMPIRMA ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) RWO 3  Regional Director Atty. Falconi V. Millar na tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa pagpaslang sa 15 taong gulang na si Marjorie Joy R. Infante na isang anak ng OFW na si Margie Gamba Rivera.

Ayon kay Atty. Falconi, inaayos na ang papeles para arestuhin ang naturang suspek sa pagpaslang.

Matatandaan noong Oktubre 28, 2022 naiulat na ang 15 taong gulang, grade 10 student na si Marjorie Joy R. Infante ay pinatay at ginahasa.

Si Marjorie ang pinakabata sa 4 na magkakapatid na pawang mga anak ng OFW na nakatira sa Mabalacat, Pampanga.

Umalis ang menor de edad  sa kanilang bahay ng 6:30 pm para bumili ng pagkain noong Oktubre 28.

Pagsapit ng dakong 9:30 ng gabi ng araw ding iyon, natagpuang patay at inabandona sa kalsada ng Sapang Balen ang biktima.

Bukod sa legal assistance, nagpaabot din ng financial assistance at iba pang karampatang tulong ang OWWA para sa naiwang pamilya ni Marjorie.

Kahapon, naihatid na sa huling hantungan ang labi ni Marjorie sa Garden of Peace Cemetery, Mabalacat kung saan patuloy ang suporta na ginawa ng OWWA.

Follow SMNI NEWS in Twitter