KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hinatulan na ang menor de edad na suspek sa pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara.
Sinabi ng naturang kagawaran, sinentensiyahan ng Juvenile Court sa Kuwait ang suspek ng 15 taong pagkakakulong dahil sa kasong murder at isang taon para sa driving without license.
Mababa ang parusa sa suspek dahil sa pagiging menor de edad ng akusado at may 30 araw siya para iapela ang hatol.
Ayon din sa DFA, naipaalam na rin sa pamilya ni Ranara ang desisyon ng korte at nagpapasalamat sila sa tulong na ibinigay sa kanila ng gobyerno.