IBINABA ng Department of Tourism (DOT) sa dalawang buwan ang suspensyon ng City Garden Grand Hotel (CGGH) matapos ang apela ng huli para sa kapakanan ng mga empleyado nito na apektado ng pandemya.
Napatunayang may nilabag ang nasabing hotel matapos itong tumanggap ng mga ‘guest for leisure purpose’ sa kabila na isa itong Bureau of Quanrantine (BOQ)-approved quarantine facility.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang parusa ngayon ng hotel ay dalawang buwang suspensyon ng DOT Accreditation at multang P10, 000.
Sinabi ni Puyat na umapela ang hotel na humihiling sa DOT na “reverse and set aside the Office of Tourism Standards and Regulation (OTSR) findings, and penalties imposed, or, in the alternative downgrade and reduce them” bilang pagkonsidera sa mga empleyado nito.
“The said appeal was partially granted with the suspension of the DOT accreditation reduced from six months to two months,” ayon kay Romulo-Puyat.
“Nevertheless, the DOT gave CGGH a stern warning on record that any further violation of whatever nature of current rules shall be dealt with accordingly,” dagdag niya.
Matatandaan na natagpuang patay ang isang flight attendant na si Christine Dacera sa City Garden matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon na nagbunsod naman upang patawan ng parusa ang nasabing hotel dahil sa pagtanggap ng mga bisita for leisure purposes sa kabila ng nag-operate ito bilang quarantine facility.