Susunod na Secretary of Health, walang dapat ipag-alala; DOH, nakagawa na ng transition plan

Susunod na Secretary of Health, walang dapat ipag-alala; DOH, nakagawa na ng transition plan

NAKAHANDA ang Department of Health (DOH) para sa transition plan sakaling may maitatalaga ng kalihim ng ahensiya ang incoming Marcos administration.

Sa nakatakdang transition period, inihayag ng pamunuan ng DOH na walang dapat ipag-alala ang susunod na Health secretary dahil  handa na ang kagawaran sa gagawing pagpapalit ng administrasyon.

Sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapaggawa na ang mga opisyal ng ahensya ng mga plano.

Aniya, mayroon na silang listahan at briefers na i-endorso sa Secretary of Health kapag nag-assume na ito ng posisyon.

Sa kabilang banda, umaasa si Vergeire na mayroon nang mapiling susunod na DOH chief ang incoming administration bago mag Hulyo 1.

Sa ngayon, wala pang itinalaga si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa posisyon na mamumuno sa DOH.

Kasalukuyang hinihintay rin ng DOH ang karagdagang abiso at direktiba mula sa Office of the Executive Secretary patungkol sa magiging susunod na pinuno ng ahensiya.

Samantala, sinang-ayunan naman ni Vergeire ang naging mungkahi ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat isa ring ‘pandemic manager’ ang susunod na magiging kalihim ng ahensiya.

Saysay ng tagapagsalita, malaking parte pa rin para sa tagumpay ang mga prayoridad na programa upang tuluyang masugpo ang COVID-19.

Sa isang banda naman saad ni Vergeire, dapat ang papasok na Health chief ay mayroong ‘comprehensive understanding of public health’.

Ito aniya ay napaka-importante dahil  bukod sa COVID-19, marami pang ibang public health issues na kailangang kaharapin.

Sa kabilang dako, ibinida ng DOH na  kabilang sa major accomplishments ng DOH ang COVID-19 response.

Aniya, napakarami nang buhay ang naisalba sa ginawang magandang pagtugon ng administrasyon sa pandemya.

Bukod sa pagresponde sa COVID-19, ibinida rin ng DOH na nakapagpasok din ang pamahalaan ng COVID-19 vaccines.

Malugod din na iniulat ng DOH na nasa 70 million individuals na ang fully vaccinated sa bansa at protektado laban sa coronavirus.

Karagdagan pang ipinagmalaking accomplishment ng administrasyon, ani Vergeire, ay ang Universal Health Care Law.

Ito aniya ang sentro at core policy na magtutulak sa bawat Pilipino na magiging protektado sa kalusugan, magkaroon ng access at availability ang health services.

Kabilang din sa achievements ng administrasyon ang pagpasa ng mga batas na may kinalaman sa health matters.

Upang hindi masayang ang mga naging achievement ng pamahalaan sa sektor ng kalusugan,  ay patuloy na nananawagan ang DOH sa publiko na sumunod pa rin sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at iba pa.

 

Follow SMNI News on Twitter