NAKILALA na ang may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa isang road rage incident sa Valenzuela City.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) PIO chief PCol. Jean Fajardo ang suspek na si Marlon de Jesus Malabute.
Nangyari ang insidente noong Agosto 19 sa Brgy. Bignay sa Valenzuela City nang makuhanan ng video ang isang lalaking lumabas ng kaniyang sasakyan na may bitbit na baril at nilagyan pa ng bala sa harap mismo ng isang taxi driver na nakaalitan nito.
Ayon kay Fajardo, binawi na ng PNP Firearms & Explosives Office ang lisensiya ni Malabute na maghawak ng baril.
Dahil dito, nagbabala ang PNP na magkakasa sila ng operasyon kung hindi nito isusuko ang kaniyang baril.
Samantala, una na ring naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO).
Pinapupunta ang may-ari ng SUV sa tanggapan ng LTO para ipaliwanag kung bakit hindi ito pagmultahin sa mga paglabag tulad ng reckless driving, improper person to operate motor vehicles at obstruction of traffic.
Pinasusumite rin ang may-ari ng notarized affidavit at mga supporting document.
Pinatawan na rin ng 90-day suspension ang registration ng SUV na may plakang NBB 3135.