SWAT Fit Tactical Game 2 ng PRO-3, bahagi ng paghahanda sa eleksiyon sa Mayo

SWAT Fit Tactical Game 2 ng PRO-3, bahagi ng paghahanda sa eleksiyon sa Mayo

SA Camp Captain Julian Olivas, Pampanga, ginanap araw ng Biyernes Enero 3 ang SWAT Fit Tactical Game 2 sa pangunguna ng Police Regional Office 3 (PRO 3) na layuning mapataas ang kakayahan at kahandaan ng mga kapulisan sa Central Luzon sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo.

Pinangunahan ni PRO3 Regional Director Police Brigadier General Redrico Maranan ang SWAT Fit Tactical Game 2 na dinaluhan ng mahigit 100 miyembro ng RMFB3 Swat mula sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyon.

Ayon kay Maranan, ang naturang aktibidad ay isang serye ng physical at tactical challenges na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga SWAT teams sa pagsugpo sa krimen, partikular na sa mga operasyong may kaugnayan sa eleksiyon at paglaban sa ilegal na droga.

“Ang PRO3 po sa kasalukuyan ay patuloy na naghahanda sa paparating na national and local elections 2025. Ang SWAT Team Games natin ay isa sa mga paghahanda upang masuri ang tactical response capability ng PRO3, katuwang ang COMELEC, AFP, Coast Guard, at provincial officers. Sa ngayon, nasa end stage na kami ng preparation dahil papasok na ang election period sa Enero 25,” ayon kay PBGen. Redrico Maranan, Regional Director, Pro 3.

Ang mga pagsasanay ay nakatuon sa simulated scenarios na may kaugnayan sa operasyon laban sa armadong kalaban at ilegal na gawain tulad ng droga.

Nagsagawa rin ang PRO3 ng surprise drug test sa kanilang hanay.

“Kahapon ay nagsagawa tayo ng surprise drug test sa lahat ng ating kapulisan para masiguro na wala sa kanila ang naliligaw sa paggamit ng ilegal na droga,” dagdag nito.

Sa kabila ng mga hamon, ipinakita ng SWAT Fit Tactical Game 2 ang dedikasyon ng PRO3 na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Central Luzon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter