INILUNSAD ngayong araw ang symbolic vaccination sa Southstar Drug sa Marikina Branch kasabay ng ‘Resbakuna sa Botika‘ program ng pamahalaan.
Ang naturang event ay pinangungunahan nina DTI Sec. Ramon Lopez, Marikina City Mayor Marcy Teodoro at Robinsons Retail Holdings Inc. President & CEO Robina Gokongwei-Pe.
Isa ang Southstar Drug sa apat na botikang bubuksan ngayong araw para sa bakunahan kontra COVID-19.
Sa ngayon, 5 botika at 2 klinika pa lamang sa NCR ang kasali sa pilot run.
Samantala, balak ng pamahalaan na palawakin pa ang implementasyon ng pilot run ng bakunahan kontra COVID-19 sa mga botika na magsisimula sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, pagkatapos nitong pilot run sa NCR ay ang mga malalaking siyudad sa Luzon, Visayas, at sa Mindanao naman ang target ng ‘Resbakuna sa Botika’ program ng gobyerno.
Idinagdag pa ni Dizon na marahil sa loob lamang ng isa o dalawang linggo, ay mapapalawak na sa mga major cities ng bansa ang naturang programa.
“So, magbibigay po tayo ng report niyan sa susunod na linggo kapag nasimulan na natin ang pilot sa NCR. Pero immediate ho iyan, baka sa loob lamang ng isa o dalawang linggo eh mag-i-expand na tayo sa mga major cities – Luzon, Visayas, and Mindanao. Abangan na lang po natin ang listahan ng mga iba’t ibang botika,” pahayag ni Dizon.
Inaasahan namang iaanunsyo ng pamahalaan sa susunod na linggo ang sinasabing listahan ng iba’t ibang mga botika na target gawing vaccination centers.