INILABAS ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panibagong suggested retail price, araw ng Miyerkules para sa mga basic commodities at prime necessities.
Sa 217 stock keeping units (SKUs) bulletin ng DTI, nasa 70 mga produkto ang inaprubahan na magtaas-presyo.
Ang naturang tugon ng DTI ay matapos hilingin ng mga manufacturer ang hirit na dagdag-presyo sa mga piling produkto.
Paliwanag ni DTI Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, iniinda na ng mga manufacturer ang mahal na raw materials at iba pa.
Pero paglilinaw ni Asec. Cabochan, dumaan sa masusing pag-aaral ang taas-presyo at ito ay makatwiran.
Kabilang sa tinaasan ang presyo ay ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal na dinagdagan ng hanggang P2.
Nasa P1.50 naman ang dagdag-presyo sa ilang brand ng delatang sardinas.
Nakakalungkot ayon kay Ate Ines ang pagtaas ng presyo sa sardinas, ito raw kasi ang kalimitang binibili niyang ulam na pantawid-gutom.
Maging ang mga detergent at bath soap ay tumaas din ng mula P.50 hanggang P2.
Tumaas din ang presyo ng kape, gatas, instant noodles at marami pang iba, kaya sa kabuoan umabot sa 1% hanggang 15% ang inaprubahang price increase sa food items.
Nilinaw naman ni Asec. Cabochan na ang mga produkto na may dagdag-presyo ay hindi major contributor sa inflation kung kayat hindi dapat ikabahala.
Ilang mamimili, napapautang dahil sa mahal ng mga bilihin
Ang mga ordinaryong Pilipino, wala nang magawa kundi tiisin ang sunud-sunod na taas-presyo sa mga pagkain.
Sinabi naman ng ilang Pilipino na nasasanay na raw sila tuwing nababalitaan na may taas-presyo na naman sa mga pangunahing bilihin.
Si Ate Leonesa umabot sa punto na napautang pa sa mga kakilala dahil sa kulang ang budget dahil sa mahal ng gastusin.
Mga namimili sa supermarket, kumokonti na lang – supermarket association
Sinabi naman ni Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarket Association na unti-unti nang nararamdaman ng kanilang industriya ang matumal na bentahan.
Ramdam na aniya sa kanyang negosyo ang kakaunting customer na namimili ng mga basic commodities at prime necessities.
“Tingin namin kumonti, hindi lang sa amin ang nakita ko when I moved around sa supermarket. They are few ‘yung mga caterings na may kaya, marami pa rin ang namimili, may kaya eh. Anytime they need to buy anything, kaya nila eh,” ani Steven Cua, President, Philippine Amalgamated Supermarket Association.
“Kumonti nakita ko, the buying power the demand has jumped down. So, nabawasan nakita ko,” dagdag nito.
Panawagan naman ng mga ordinaryong Pilipino sa gobyerno, dagdagan ang suweldo upang makapagsabayan sa mahal na gastos sa pagkain, transportasyon at iba pa.