Taas-singil sa tubig na hiling ng Manila Water, pag-aaralan ng MWSS

Taas-singil sa tubig na hiling ng Manila Water, pag-aaralan ng MWSS

INAARAL na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung magiging posible ang hirit ng Manila Water na taas-singil sa kada cubic meter ng kanilang tubig sa susunod na 5 taon.

Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty, tatalakayin ng kanilang board of trustees ang naturang kahilingan ng Manila Water.

Mababatid na humiling kamakailan ang water concessionaire ng MWSS ng P19.25 na water rate hike.

Ito ay upang matukoy ang mga proyektong kailangan pang pagbutihin para sa ikagaganda ng serbisyo sa kanilang mga consumer.

Pero, paliwanag naman ni Jeric Sevilla, spokesperson at head ng Corporate Communication ng Manila Water, utay-utay nilang ipatutupad ang dagdag-singil sa tubig.

Unang ipatutupad ang nasa P8.04 na idadagdag sa singil sa tubig para sa taong 2023,  P5 para sa 2024,  P3.25 sa 2025,  habang nasa P1.91 naman para sa 2026 at P1.05 para sa 2027.

Nangako naman ang Manila Water na nasa higit P180-B ang kanilang gagastusin para sa mga proyekto na magpapaganda sa serbisyo para sa kanilang mga consumer kapalit ng dagdag-singil.

Follow SMNI NEWS in Twitter