NAGPAPATULOY ang tactical interrogation sa 5 pang suspek sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 8 iba pa.
Ito ang inihayag ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., chairman ng Special Investigation Task Group (SITG) Degamo.
Ayon kay Abalos, gagamitin ang mga makukuhang impormasyon para sa case build-up at matukoy ang iba pang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Nabatid na ang 5 suspek ay may direktang partisipasyon sa pagpatay sa gobernador at itinago umano sa safe house ng hindi pa pinapangalanang mastermind.
Target na matapos ng SITG Degamo ang pagkuha ng impormasyon sa mga suspek hanggang Sabado para sa pagsasampa ng kaso at paghuli sa 5 hanggang 6 pang suspek sa krimen.
Kumpiyansa naman si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na magkakaroon sila ng airtight case laban sa mastermind sa krimen.