NAGPATUPAD ang Tagaytay City government sa Cavite province ng mas mahigpit na health protocol upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa inisyu na mandato ni Mayor Agnes Tolentino, pinaalalahanan ang mga residente kaugnay sa mga social gathering kagaya ng weddings, birthdays, baptisms, at mga may kaugnayan na pagtitipon na limitado lamang sa miyembro ng pamilya ang dadalo.
“The event should last only for two hours,” paalala ng alkalde.
Pinagdiinan ng alkade na lahat ng mga dadalo sa pagtitipon ay magsuot ng face masks at face shields at sundin ang physical distancing sa lahat ng panahon.
Inatasan din ni Tolentino na gawing tatlong araw lamang ang lamay na dadaluhan lamang ng miyembro ng pamilya na kinakailangang sumunod sa health at safety protocols.
Ngunit kapag ang yumao ay nasawi sa COVID-19, kaagad na i-cremate ang bangkay base sa protocols ng Inter-Agency Force on Emerging Infectious Diseases.
Pansamantala namang ipinagbawal ang mga selebrasyon ng piyesta sa panahon ng pandemya maging ang paggamit ng videoke.
Inatasan naman ni Tolentino ang lahat ng mga otoridad at mga opisyal ng mga barangay na paigtingin ang pagpatupad ng lahat ng alituntunin at regulasyon sa kanilang nasasakupan para maging ligtas ang publiko mula sa COVID-19.
Lahat aniya ng mga lumalabag sa mga alituntunin ay mahaharap sa karampatang parusa.
Kasalukuyan namang nasa modified general community quarantine ang Tagaytay na may 283 kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19.
Nasa 269 na ang nakarekober, pito ang nasawi habang 16 ang patuloy pang ginagamot.