Tagum City, sinisiguradong mapayapa at ligtas ang mga taong bibisita sa sementeryo

Tagum City, sinisiguradong mapayapa at ligtas ang mga taong bibisita sa sementeryo

HINDI na mahihirapan pa ang mga taong bibisita sa kanilang minamahal sa buhay sa sementeryo dahil maraming mga naka-deploy na mga kapulisan na nagbabantay at nagpapatupad ng seguridad sa lugar.

Ito ay isang magandang pagkakataon upang magkaroon ng katahimikan at kapayapaan habang binibisita ang mga yumaong mahal sa buhay.

Umaga pa lang ay nagsidatingan na ang mga tao na bibisita sa kanilang minamahal sa buhay sa La Filipina Public Cemetery kung saan ito ay ang pinakamalaking sementeryo sa Tagum City.

Kitang-kita sa sementeryong ito na pinaghandaan ng local government unit (LGU) ng Tagum City ang paparating na Undas sa nasabing lugar.

May mga kapulisan na nagbabantay sa paligid at mayroon ding Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Red Cross (PRC) na may information desk, at complain desk na naka- deploy at handang magbigay ng tulong sa mga taong bibisita.

Ayon kay Corporal Keith Lemos, Members of Provincial Explosive Ordinance Disposal and Canine Unit ng Davao del Norte, wala namang naobserbahan na kakaiba at nakitang kaguluhan sa kanilang area of responsibility.

“So far ma’am, wala man ma’am, relatively peaceful man ang ating area of responsibility. So ang amin lang is sana mapatuloy ito siya throughout sa ating holiday and long weekends,” ayon kay Corporal Keith Lemos, Provincial Explosive Ordinance Disposal and Canine Unit, Davao del Norte.

Ibinahagi naman ni PLtCol. Force Commander, Wildemar T. Tiu ng 1st Davao Norte Provincial Mobile Force Company na hindi lamang ang sementeryo ng Tagum City ang kanilang binabantayan kundi ang buong 1st District ng Davao del Norte.

“Hindi lang ang Tagum area ang sakop namin kundi pati ang buong unang distrito. Bibisitahin din natin ang mga sementeryo ng mga mountain barangay at mga pampubliko at pribadong sementeryo,” ayon kay PLtCol. Wildemar T. Tiu, Force Commander, 1st Davao del Norte Provincial Mobile Force Company.

Naghatid naman ng mga paalala si PCMS Jennifer Gabriel, Highway Patrol Group ng Davao del Norte sa mga bibisita sa kanilang mga minamahal sa buhay sa sementeryo.

“Avoid lang siguro magdala ng mga bagay na bawal lalo na ‘yung mga kaduda-duda. At ‘yung mga sakitin at mga matatanda na, lalo na mamayang hapon, medyo marami nang tao, crowded na masyado, hindi na siguro advisable na dalhin pa natin ang mga matatandang hirap na maglakad, para sa kanilang kaligtasan,” ayon kay PCMS Jennifer Gabriel, Highway Patrol Group, Davao del Norte.

Follow SMNI NEWS on Twitter