MULA unang araw ng Hulyo ngayong taon, maaari nang makapasok sa Pilipinas nang walang visa ang mga may hawak ng Taiwan passport, para sa turismo.
Inanunsiyo ito ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) bilang bahagi ng pagtitibay ng koneksiyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang hakbang ay bahagi ng reciprocal arrangement—makalipas lamang ang ilang araw matapos pahabain ng Taiwan ang visa-free privilege para sa mga Pilipino—na magiging valid simula unang araw ng Agosto ngayong taon hanggang Hulyo 31, 2026.
Ayon sa Focus Taiwan, tinanggap ng Taiwan ang hakbang ng Pilipinas, na bahagi ng layunin para mas palawakin ang bilateral exchange sa turismo at negosyo sa bansa.
Samantala, ang visa-free stay ay limitado sa 14 na araw, at hindi maaaring i-extend o i-convert. Kailangang magpresenta ang mga pasahero ng valid passport na may bisa ng hindi bababa sa anim na buwan, confirmed booking sa hotel, patunay ng sapat na pera, return o onward ticket at patunay ng sapat na pondo para sa pananatili sa bansa.
Ipinagtibay rin ng Taiwan ang kanilang paalala sa mga pasahero na sumunod sa lokal na batas sa Pilipinas at tumawag sa emergency hotline ng Taiwan representative office sakaling may aberya.