HANDANG handa na ang Tala Ospital sa pagbabakuna ng kanilang mga health workers na magsisimula ngayong araw.
Ang Tala Ospital ay isa mga prayoridad na mga COVID-19 referral hospitals sa bansa na nabigyan ng Sinovac COVID-19 vaccines.
Nasa 400 katao ng ospital ang kayang bakunahan nila kada araw sa loob ng 3 hanggang 4 na araw.
Bago tuturukan ng bakuna kontra COVID-19 ay susuriin muna ang mga hospital staff kung sila ay nasa maayos na kalusugan.
Saka naman sila bibigyan ng informed consent at kung makakapasa sila ay saka sila babakunahan.
Kung sakali namang may maramdamang side effects ang taong tuturukan ng bakuna ay may nakahanda namang lugar upang sila ay suriin at bigyan ng paunang lunas.
Nasa 92% naman ang handang maturukan ng bakunang Sinovac kung saan katumbas ito ng 1,911 katao.
Pangungunhan ngayong araw ni Sec. Vince Dizon ang symbolic vaccination program sa Tala Hospital.
Dumating kahapon ang kauna-unahang batch ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas na CoronaVac mula sa Chinese company na Sinovac.
Samantala, sasailalim din ngayong araw ang 700 PNP personnel sa symbolic vaccination ang Philippine National Police matapos dumating ang Sinovac CoronaVac vaccines ng China.
Isasagawa ang pagbabakuna sa mga kawani ng PNP sa PNP General Hospital.
Batay sa panuntunan ng Department of Health (DOH) sa mismong araw ng pagbabakuna ay dadaan muna ang isang pasyente sa waiting area, sunod ay sa registration area, counseling, medical screening, upang matiyak na walang iniindang anumang karamdaman bago ito sumailalim sa bakuna, encoding at post-vaccination area.