INANUNSYO ng Taliban ang bagong gobyerno ng bansang Afghanistan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga bagong opisyal, ilang linggo matapos tuluyang makontrol ang buong bansa.
Itinalaga bilang bagong ‘caretaker’ ng Afghan government si Mohammad Hasan Akhund, ang close aid ng nasawing founder ng Taliban na si Mullah Omar.
Batay sa anunsyo ni Taliban Chief Spokesman Zabihullah Mujahid, karamihan sa mga miyembro ng gabinete ay mga matatandang miyembro ng grupo, at walang babaeng kasali dito.
Samantala, napag-alaman na ang itinalagang acting prime minister na si Akhund ay nasa sanctions list ng United Nations.
Si Interior Minister Sirajuddin Haqqani din na anak ng founder ng Haqqani Network ay isa sa pinaka most wanted ng FBI matapos idineklara ng Estados Unidos na terrorist organization ang Haqqani Network.
Nangako naman ang Taliban na maging ‘inclusive’ ang kanilang gobyerno, bagama’t aasahan na hindi kikilalanin ang mga kababaihan sa matataas na posisyon ng gobyerno.
Samantala, inihayag naman ni Taliban Supreme Leader Mullah Haibatullah Akhunzada na ipaiiral ng bagong gobyerno ang Sharia Law sa Afghanistan.