NANAWAGAN ngayon ang mga alkalde sa Lungsod ng Talisay at Bayan ng Liloan, sa Cebu sa kanilang mga nasasakupan na maging mahinahon kaugnay sa lumabas na balita na nakapasok na sa kanilang mga lugar ang UK variant ng COVID-19.
Ito ay matapos ang lumabas sa bagong datos ng Department of Health na nadagdagan pa ang nahawaan ng bagong variant ng COVID-19 na residente sa nasabing lugar.
Ayon kay Liloan Mayor Christina Frasco na walang katotohanan ang nasabing impormasyon at nilinaw nito na ang nasabing pasyente ay hindi residente sa bayan ng Liloan bagkus ito ay residente ng Sta. Ana Manila.
Dagdag ni Frasco ang naturang impormasyon ay nakapagbigay ng takot at pangamba sa kanyang mga nasasakupan.
Kaugnay nito, handa naman tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga hakbang o imbestigasyon na gagawin ng DOH kaugnay sa nasabing pangyayari.
Nagpaalaala naman si Frasco sa publiko na patuloy sumunod sa health protocols upang maiwasan ang anumang sakit.
Base sa huling tala ng bayan ng Liloan mayroon itong 31 aktibong kaso ng COVID-19.
Samantala, nilinaw naman ni Talisay City Mayor Gerald Anthony “Samsam” Gullas na ang 54 gulang na overseas Filipino worker na mula sa Dubai ay hindi pa nakalabas sa isang hotel na ginawang quarantine facility at patuloy pa na minomonitor ng mga health official.
Subalit matapos lumabas ang resulta sa isinagawang swab test ay nagnegatibo ang nasabing pasyente sa COVID-19 at inilipat na ito sa pagamutan ng lungsod.
Kaugnay nito ay patuloy ang panawagan ng dalawang alkalde sa kanilang mga nasasakupan na huwag magpanic at maging mahinahon at tiniyak nilang magiacging ligtas sa nasabing uk variant ng COVID-19 ang kanilang mga lugar.