Task Force Build Back Better, sisimulan na ang paghuhukay sa Marikina River

UUMPISAHAN na ng Task Force Build Back Better (TF BBB) ang dredging activities sa Marikina River sa Miyerkules, Pebrero 17.

Ito ang inihayag kamakailan ni Environment Secretary and TF BBB Chair Roy A. Cimatu.

Aniya matapos nagsagawa ng aerial at ground verifications survey ang ahensiya, nakumpirmang may bahagi ang ilog na iligal na tinambakan na isa sa naging dahilan kung bakit lumubog sa baha ang siyudad kasagsagan ng bagyo noong nakaraang taon.

May mga istraktura din na nakatayo sa easement areas ng ilog na isang paglabag sa Presidential Decree (PD) 1067 o ang Philippine Water Code.

Giit ni Cimatu mahalagang maibalik ang dating lawak ng ilog upang masulosyunan na ang matagal nang problema ng pagbaha sa paligid ng Marikina River Basin.

“The widening of Marikina River to its original width is but the start of the series of activities the Task Force has identified to address the perennial problem of flooding within the Marikina River Basin,” ayon kay Cimatu.

Gagawin ang pilot dredging sa bahagi ng ilog malapit sa Marcos Highway sa Barangay Kalumpang.

Magsasagawa din ng bamboo planting activities sa gilid ng ilog sa Barangay Industrial Valley Complex na kapwa matatagpuan sa Marikina City upang maiwasan ang pagkakaroon ng riverbank erosion at siltation.

Kaugnay nito, binigyang diin din ni Cimatu ang kahalagahan ng isang political will at ang manatiling pursigido sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa Marikina River at iba pang waterways.

We will have to show our political will here and sustain our efforts to rehabilitate Marikina River and other waterways. This is just a prelude to the bigger one,” ani Cimatu.

Kung maalala, nagdulot ng pinsala ang matinding pagbaha dahil sa nagdaang bagyo noong nakaraang taon sa Marikina City at iba pang siyudad sa Metro Manila.

SMNI NEWS