Task Force na tututok sa mga batang lansangan, napapanahon na –CWC

Task Force na tututok sa mga batang lansangan, napapanahon na –CWC

NAPAPANAHON na ang pagkakaroon ng isang task force na tututok sa mga batang lansangan ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC).

Ayon sa CWC, paulit-ulit na problema ang pagdami ng mga bata sa lansangan.

Pagdidiin ni Executive Director ng CWC Usec. Angelo Tapales, isa ito sa mga problema na hindi nabibigyan ng atensiyon.

Kahit ilang ulit na i-relocate aniya ang mga bata at kanilang mga pamilya ay bumabalik pa rin sa mga lansangan.

Kaya ani Tapales, napapanahon na ang pagbuo ng task force na tututok sa kapakanan ng mga batang lansangan.

“‘Yan ay napapanahon, ‘yan po ya ginagawan na ng paraan ng DSWD kasama po ang CWC and of course ito po may effort naman po na sinasabi si Chairman Cardema kanina ng NYC kailangan po namin talaga magtulung-tulong dito kasi ito ay napakakumplikadong problema, sapin-sapin pong problema ‘to,” pahayag ni Tapales.

“Kaya simula po nitong mga nakaraang buwan kasabay po ng aming pagpapatupad ng education assistance program sa DSWD, ay patuloy rin po ang aming pag-uusap sa pagpapalabas ng guidelines sa pagpapatupad po ng aming Comprehensive Program for Children on Street Situations. So, ‘yun po ang tawag sa programang ‘yun na pinormulate po ng aming social technology bureau sa central office,” ayon naman kay Joseph Salavarria, Senior Welfare Officer III, DSWD.

Una na ring ipinahayag ng DSWD na pinag-aaralan na nila na kunin ng pamahalaan ang pangangalaga sa mga batang paulit-ulit nang nare-rescue sa kalsada dahil sa pamamalimos.

Kokonsulta ang ahensiya sa mga legal experts upang isulong ang pagkuha ng pangangalaga sa mga bata na tatlong beses nang mari-rescue ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Sec. Erwin Tulfo, sa oras maisakatuparan ito, bibigyan ng DSWD ng maayos na kinabukasan ang mga bata.

Isinusulong din ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema  ang pagpapatayo ng mga pasilidad na mag-aalaga sa mga batang lansangan.

“Tapos mag-iisip tayo ng paraan kung paanong…di ba dati meron parang boys town, girls town na…pero ‘yung mga kabataan kahit mahirap ‘yan, kahit walang pinag-aralan ‘yan arugain lang ang ayos ng estado kung di kaya ng mga magulang, all of them have potential for the country,” pahayag ni Cardema.

Paliwanag ni Cardema na hangga’t nasa mga lansangan ang mga batang ito ay may posibilidad na sila ay magiging biktima ng karahasan at pang-aabuso.

May mga programa naman aniya ang pamahalaan para sa mga street children pero kinakailangan pang paigtingin.

“Kaya lang since habang nandyan sila sa ganyang environment walang potensyal ‘yan. Maaabuso talaga sila, maaaksidente sila, baka maging delinquent dahil walang pinag-aaralan, kundi kumuha ng pera, humingi ng pera di ba?” ani Cardema.

Follow SMNI NEWS in Twitter