Tatak Pinoy Act, palalakasin ang pamumuhunan sa mga lokal na produkto

Tatak Pinoy Act, palalakasin ang pamumuhunan sa mga lokal na produkto

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act 11981, o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act, at RA 11982, o ang Amendments to the Centenarians Act of 2016 na nagbibigay ng mga benepisyo sa mga octogenarian at nonagenarians.

Ginawa ang signing ceremony ng dalawang panukalang batas sa ceremonial hall sa Palasyo ng Malacañang nitong Lunes, Pebrero 26.

Ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act ay nagsusulong ng inklusibong paglago at pag-unlad ng ekonomiya sa bansa sa pamamagitan ng paghikayat, pagsuporta, at pagtataguyod ng produksiyon at pag-aalok ng mga lokal na produkto at serbisyo.

Ang nasabing batas ay magpapalakas sa competence at talento ng mga Pinoy.

Inihayag pa ng Punong Ehekutibo na ang “Tatak Pinoy” ay higit pa sa isang branding exercise.

Aniya, tungkol ito sa pagbibigay ng mga insentibo sa mga lokal na produkto na talagang maipagmamalaki na gawang Pinoy o trademark ng Pilipinas.

Ito’y nagpapakita ng pagkamalikhain at kakayahan ng manggagawang Pilipino.

It is about creating products and services of the highest quality, because Tatak Pinoy is also about excellence, and as a seal of great workmanship,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Expanded Centenarian Law, layuning magkaloob ng P10-K sa senior citizen

Sa kabilang banda, ang Grant of Benefits to Filipino Octogenarians ay nagpapalawak ng saklaw ng RA 10868, o ang Centenarians Act of 2016 kung saan sakop nito ang lahat ng mga Pilipino, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Sa ilalim ng naturang batas, tatanggap ng cash gift na nagkakahalaga ng P10-K ang mga senior citizen na nasa 80-anyos.

Panibagong P10-K naman ang matatanggap kapag umabot sa 85, 90 hanggang 95-anyos.

Mababatid na sa umiiral nang batas, ang mga 100-taong gulang na indibidwal ay nakatatanggap ng P100-K.

Ipinaliwanag din ng Pangulo na ang pagpapalawak ng saklaw ng Centenarians Act ay isang pagpupugay sa katangiang Pilipino at sa kultura ng Pilipinas. Ito ay nagpapakita ng higit na kabutihan at kahabagan sa mga senior citizen.

“There were already close to 10 million seniors two years ago… But as this demographic enlarges, the societal facilities that attend to them should be expanded as well,” saad ng Pangulo.

Expanded Centenarians Act o Revilla Law, hangaring mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola

Si Sen. Bong Revilla ang principal author ng Expanded Centenarians Act ay nagpasalamat din kay Pangulong Marcos sa tuluyang pagsasabatas nito.

Ito ang kaniyang una at prayoridad na inihaing panukala sa kasalukuyang Kongreso.

Ipinaliwanag ni Revilla ang hangarin ng bagong batas na ito na mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola.

Malaking bagay aniya ito para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain, at iba pa.

Para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, itinakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens.

Nilalayon nitong matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ay makakuha talaga ng cash gift na nararapat lang nilang matanggap.

Nabatid na unang isinumite ni Revilla ang naturang panukala sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong 2019 ngunit ngayon lamang ito naging isang ganap na batas.

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble