SINABI ni Senador Christopher “Bong” Go na tatakbo lamang ito sa pagkapangulo ng bansa sa 2022 election kapag magiging ka-running mate nito si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y matapos ang paghayag ni Pangulong Duterte na nais ng kanyang dating top aide na maging pangulo ng bansa.
“Ito kasi si Senator Bong Go. Pababa kami ng eroplano, sabi n’ya na, ‘Sir, may hingin sana ako sa’yo ng pabor. Sabi ko, ‘ano?’ Sabi n’ya, ‘Medyo leaves a bad taste in the mouth. Malayo pa ito…ikaw na lang ang magsabi sa kanila,”pahayag ni Duterte.
“Ang totoo talaga, isang bagay lang, sabihin daw sa inyo, gusto n’yang maging presidente,”dagdag ng Pangulo.
Napatawa naman si Senador Go sa mga sinabi ni Duterte kasabay ng pag-iling-iling sa ulo nito at kumpas ng kanyang kanang kamay bilang pahayag na nagbibiro lang ang Pangulo.
“I am very grateful for the trust given to me by the President. Salamat po sa tiwala pero alam naman po ng Pangulo na hindi talaga ako interesado. Biro lang ng Pangulo iyon,” pahayag ni Go sa kanyang post sa Facebook.
Nais ni Go na tapusin ang kanyang termino hanggang 2025 bilang senador at tutuon sa pagserbisyo sa kapwa Pilipino.
Ngunit sinabi naman ng senador na magbago lang ang isip nito kung tatakbo si Pangulong Duterte sa pagkabise presidente.
“Magbabago lang siguro ang isip ko kung tatakbong Vice President si Pangulong Duterte,” aniya pa.