Tatlong BOC port, naghanda na sa pagdating ng COVID-19 vaccines

KAMAKAILAN lang ay nagsagawa ng inter-port meeting para sa preperasyon ng pagdating ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines ang tatlong port ng Bureau of Customs (BOC).

Kabilang sa isinagawang pagpupulong ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Davao, at Cebu upang matiyak ang ganap na kahandaan sa paghawak ng COVID-19 vaccines sa panahon na ito ay dumating na sa customs.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga isyu kabilang ang Customs pre-clearance process, documentary requirements for importation and donation, expedite handling and logistical challenges.

Itinuro rin nila Customs Deputy Commissioner Edward James Dybuco at NAIA District Collector Carmelita Talusan ang impormasyon kaugnay sa COVID-19 vaccine arrival simulation na ginanap noong Pebrero 10 mula sa pagdating sa paliparan hanggang sa storage facility sa loob ng Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City.

Tiniyak naman nina Port of Davao District Collector Erastus Sandino Austria at Port of Cebu District Collector Charlito Martin Mendoza ang kanilang kahandaan sa pangasiwa ng mga bakuna.

Samantala, pinaigting naman ng BOC ang seguridad laban sa importasyon ng mga pekeng gamot at bakuna katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at maging ng Food and Drug Agency (FDA).

SMNI NEWS