UUSAD na sa ikatlong yugto ng National Recovery Plan (NRP) o lockdown, ang tatlong estado sa Malaysia matapos itong magpakita ng magandang resulta ng paglaban sa COVID-19.
Inihayag ni Deputy Prime Minister Datuk Seri Ismail Sabri Yaakob na iaangat na sa phase 3 ng National Recovery Plan (NRP) ang estado ng Perlis, Sarawak at Federal Teritory ng Labuan simula bukas Agosto 4.
Sinabi ni Prime Minister Muhyiddin Yassin na ang mga nasabing lugar ay patuloy na nagpapakita ng magandang resulta sa paglaban sa COVID-19 kung kaya’t maaari na itong umusad sa mas maluwag na lockdown.
Pero paalala ng Prime Minister, mahalaga pa rin sa bawat mamamayan kabilang ang mga dayuhang nagtatrabaho sa mga lugar na ito ang patuloy na sumunod sa mga health protocol para labanan ang pagkalat ng COVID-19.
Matatandaan na ang Labuan ay humaharap sa isang full blown health crisis noong Hunyo matapos tumaas ang kaso ng namamatay sa lugar dahil sa COVID-19.
Pero matapos palakasin ng gobyerno ang pagbabakuna sa tatlong estado ng Malaysia noong kalagitnaan ng Hunyo, ang Labuan na ngayon ang isa sa mga lugar sa Malaysia na mabilis na nakakuha ang herd immunity kung saan 80% ng populasyon rito ay fully vaccinated na hanggang Hulyo 27.
Samantala, sinabi ni Ismail Sabri na ang Pulau Pinang, Perak, Kelantan, Pahang, Terengganu at Sabah ay mananatili pa rin sa ilalim ng phase 2, habang ang Kedah, Kuala Lumpur, Selangor, Melaka, Negeri Sembilan, Putrajaya at Johor ay nasa phase 1 pa rin.
Bukod dito, sinabi rin ng Prime Minister na kasalukuyan ngayong pinag-aaralan ng National Security Council (NSC) ang pagluluwag sa protokol partikular sa economic sectors para sa mga fully vaccinated individuals.
Sa ngayon, patuloy na hinihikayat ng gobyerno ang iba pang estado na bilisan na ng mga ito ang pagbabakuna sa kanilang lugar upang agad na matanggap ang herd immunity.