Temang ‘unity’ ng Marcos administration, gagamiting batayan sa bagong liderato ng AFP

Temang ‘unity’ ng Marcos administration, gagamiting batayan sa bagong liderato ng AFP

PORMAL nang umupo ngayong araw si Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Change of Command Ceremony sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong hapon.

Pumalit si Bacarro bilang pinuno ng AFP kay former General Andres Centino.

Sa kanyang talumpati, malugod nitong tinanggap ang bagong responsibilidad para pangunahan ang buong sandatahang lakas ng Pilipinas.

Kasabay nito, agad siyang nagbigay kumpas sa kanyang posisyon at sa harapan ng presidente ng bansa na gagawin nito ang lahat para matiyak ang kaligtasan at seguridad sa larangan ng depensa ng Pilipinas.

Sa katunayan gagawing basehan ng bagong upong AFP Chief ang panawagan na unity ng Marcos administration sa kanyang tatlong taong panunungkulan sa AFP.

Si Bacarro na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Maringal” Class of 1988 ay ang unang opisyal na itinalaga sa ilalim ng RA 11709, kung saan magkakaroon ito ng tatlong taong fixed tour of duty.

Taong 1991, ginawaran si Bacarro ng Medal of Valor, ang pinakamataas na parangal para sa kanyang katapangan sa 10 oras na engkwentro sa 150 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Maconacon, Isabela.

Sa kanyang pag-upo, naniniwala siya na hindi masusugpo ang mga suliranin ng isang bansa kung wala ang tiwala ng buong publiko, mga ahensiya ng pamahalaan at buong hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Para sa Pangulo, hindi siya nagkamali aniya sa pagpili kay General Bacarro bilang pinuno ng AFP dahil sa kahanga-hangang dedikasyon at mga naabot nito sa iba’t ibang aspeto sa paglilingkod sa bansa bilang isang sundalo.

Samantala, ang dating heneral na si Andres Centino ay inaasahang itatalaga sa posisyon ni Pangulong Marcos sa susunod na mga araw.

Bukod kay Pangulong Marcos Jr., dumalo rin si VP Sara Duterte sa Change of Command ng AFP.

Follow SMNI News on Twitter