ISANG probokasyon o pagpapagalit sa panig ng China ang ginawang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan sa kabila ng mga babala at banta ng karahasan mula sa China.
Ito ang pahayag ni Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa kanyang programa sa SMNI News.
Ito ay matapos ang ginawang pagbisita ni Pelosi sa Taiwan na sinundan ng military drills ng China sa palibot ng isla.
Ngunit ani Enrile, hindi aniya guguluhin ng China ang Taiwan hangga’t hindi ito magdedeklara ng kalayaan mula sa People’s Republic of China at hindi susuportahan ng Amerika ang pagsasarili ng Taiwan.
Naniniwala rin si Enrile na tulad ng kahandaan ng China na makipaggiyera sa alinmang bansa na nagnanais na agawin ang South China Sea, ganundin aniya ang magiging hakbang ng China sa sinumang hahadlang sa nais nitong pagbubuklod ng kanilang bansa na kinabibilangan ng Taiwan.
Binigyang-diin ni Enrile, hindi bibitawan ng China ang Taiwan bilang bahagi ng kanilang republika dahil mahalaga ito para sa kanilang depensa laban sa Japan na itinuturing pa rin ng China na isang banta.
Una na ring sinabi ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos, Jr. na ang pagbisita ni Pelosi sa Taiwan ay hindi pampasiklab sa tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan ngunit ipinapakita nito na matindi na ang tensyon sa naturang rehiyon.