Tensiyon sa Red Sea, dahilan sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo—DOE

Tensiyon sa Red Sea, dahilan sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo—DOE

DAHIL sa paglala ng tensiyon sa Red Sea, apektado ang shipping lines na naghahatid ng supply ng langis sa Pilipinas.

Isa ito sa mga dahilan ng pagsipa ng presyo ng petrolyo ngayong linggo.

Kasabay nito ay binabantayan naman ng Department of Energy (DOE) ang plano ng ilang oil-producing countries na magbawas ng isusupply na langis ngayong taon.

Dalawang beses sa isang araw na lang kumakain si Mang Junior.

At kung minsan ay hindi na rin siya aniya nagmemeryenda sa hapon.

Ganiyan ang kaniyang diskarte lalo na kapag mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kailangan din kasi aniyang makauwi ng malaking kita para sa kaniyang pamilya.

“Nagtitipid ako. Imbes na kakain ako ng medyo mahal. ‘Yun lang medyo mura ang inaano ko,” saad ni Junior Sabado, Jeepney Driver.

“Sinasakripisyo po. Kasi unang-una may college tayo, medyo tipid talaga kapag mataas ang petrolyo,” ayon kay Junior Sabado, Jeepney Driver.

Si Jayson naman kapag walang importanteng lakad, stay at home upang hindi magamit ang kaniyang motorsiklo.

“Kapag wala namang importanteng lakad, hindi na lang lumalabas. Mas okay na lang siguro sa bahay na lang,” wika ni Jayson Magpantay, Motorista.

At mas hihigpitan pa nga ng mga motorista kagaya ni Mang Junior at Jayson ang kanilang mga sinturon dahil sa muling pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo mula sa gasolina hanggang sa kerosene.

Isa sa mga dahilan ng muling pagtaas sa presyo ayon sa Oil Industry Management Bureau ng DOE ay ang sigalot sa Red Sea.

“Mayroong tension nangyayari doon sa Red Sea at ang affected po ay ‘yung shipping industries,” ani Atty. Rino E. Abad, Director, Oil Industry Management Bureau – Department of Energy.

“Maapektuhan din tayo kasi tayo naman ay kumokontrata sa shipping industry for the supply papunta dito sa Pilipinas,” dagdag ni Abad.

Planong pagbawas ng suplay sa langis ng OPEC+, posibleng makaapekto sa presyuhan ng petrolyo

Isa rin sa binabantayan ng DOE ay ang planong pagbawas ng ilang bansa na miyembro ng OPEC+ ng isusupply na langis kada araw sa unang quarter ng 2024 na tinatayang aabot sa higit dalawang milyong barrel.

Sabi ni Abad na ang kanilang hakbang ay posibleng magdulot ng pabago-bagong galaw sa presyo ng petrolyo.

“Kapag natanggal po iyang 2.2-M na iyan, wala na hong oversupply. Magkakaroon po ng tightness ‘yung supply and demand. At mukhang bawas galaw. Ibig sabihin volatile masyado iyan. Kahit anong report on a weekly basis, pwede hong umincrease, pwedeng dumicrease,” ayon pa kay Abad.

Kakulang sa suplay ng langis, malabong mangyari—DOE

Sa kabila ng mga nangyayari sa ibang mga bansa, tiniyak ni Abad na malabong mangyari na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng petrolyo.

“Hindi ho mangyayari na magkakaroon ng supply disruption dahil wala naman pong gulo doon sa source ng supply. Iyang usapin po ng Israel, natapos na lang ang ilang buwan na internal conflict doon sa Israel, wala naman pong nakaapekto doon sa supply,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble