Termino ni Paul Gutierrez bilang PTFoMS Chief, tinapos na ng Malacañang

Termino ni Paul Gutierrez bilang PTFoMS Chief, tinapos na ng Malacañang

KINUMPIRMA ni National Press Club Director Paul Gutierrez na nagtapos na ang kaniyang termino bilang hepe ng Presidential Task Force on Media Security.

Ito ay pagkaraang lumabas ang sulat ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsa na September 12 para kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, ang chairman ng PTFoMS patungkol sa expiration ng termino ni Gutierrez.

Matatandaan na itinalaga sa puwesto si Gutierrez noon lamang May 25, 2023.

Nilinaw naman ni Gutierrez na wala siyang sama ng loob kay Bongbong Marcos dahil sa kaniyang pagkakatangal sa puwesto.

“Tayo pa nga ay nagpapasalamat na kahit sa napaka-igsing panahon nabigyan tayo ng pagkakataon na makapagsilbi sa kaniyang administrasyon,” pahayag ni Paul Gutierrez, Former Executive Director, PTFoMS.

Ayon kay Gutierrez sa kabila ng kaniyang maigsing panunungkulan at limitadong budget ay marami namang nagawa ang kaniyang opisina.

Nakapagsagawa aniya ang PTFoMS ng walong regional media safety summits sa buong bansa na may buong suporta mula sa mga LGU at media organizations.

Nakapaglagda rin ito ng mga kasunduan sa Public Attorney’s Office at COMELEC para matulungan ang mga kapus-palad na mga mamamahayag sa kanilang mga legal na kaso na may kaugnayan sa kanilang trabaho at para matiyak ang mga karapatan at seguridad ng mga mamamahayag sa buong panahon ng eleksiyon.

Nasa proseso naman ang kasunduan ng PTFoMS kasama ang NAPOLCOM, at Commission on Human Rights para sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga karapatan ng media at pagpapalakas ng relasyon ng media sa PNP.

Aniya, nakatulong ang PTFoMS na masolusyunan ang lahat ng limang marahas na pag-atake laban sa press na nangyari sa ilalim ng administrasyong Marcos at nakatulong din sa dalawang kaso ng pagpatay sa media sa nakaraang administrasyon.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng kapatid natin sa media na sumuporta sa panahon ng ating panunungkulan. Sa ating mga kapatid sa gobyerno na hindi nag-atubili na tulungan ang PTFoMS sa mandato nito na nag-resulta sa pagka-resolba ng lahat ng kaso na insidente ng karahasan na nakarating sa PTFoMS, resolusyon ng mga insidenteng ito at naniniwala tayo na nakatulong tayo na gumanda ang imahe ng media sa Pilipinas. Dahil kahit ‘yong mga naunang kaso ni Ed Dizon, nabigyan natin ng linaw at ito ngang huli itong kaso ni Doc. Gerry Ortega, magkakaroon ng linaw dahil sa ating pagpupursige na mapasuko itong mga gumawa ng karahasan sa ating hanay,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble