PALALAKASIN ng Department of National Defense (DND) ang territorial defense ng bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ito ang iginiit ni Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. kasunod ng pagtutol ng ilang lokal na opisyal sa paglalagay ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Galvez, naiintindihan niya ang pangamba ng ilang lokal na opisyal pero dapat maunawaan na napaliligiran ng karagatan ang bansa sa hilaga, timog, silangan at kanluran na kailangang bantayan at protektahan.
Hindi aniya layunin ng EDCA na makipag-giyera kundi ang mapalakas ang kapabilidad laban sa mga hindi inaasahang pangyayari at banta sa seguridad.
Maliban dito, hindi rin makikialam ang EDCA sa domestic affairs ng ibang mga bansa.