TESDA, ikinatuwa ang paglipat bilang attached agency sa DOLE

TESDA, ikinatuwa ang paglipat bilang attached agency sa DOLE

IKINATUWA ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang paglipat nito bilang attached agency sa Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay TESDA chief Danilo Cruz, ang pagbabalik ng ahensya sa DOLE ay isang magandang pagkakataon para “pagsama-samahin ang lakas ng parehong ahensya upang matugunan ang problema ng skills-job mismatch”.

Saad pa nito, ang paglipat ng TESDA ay makatutulong upang mapadali ang iba’t ibang programa sa pagtatrabaho alinsunod sa pagpapatupad ng area-based at demand-driven Technical and Vocational Education and Training (TVET).

Tinitingnan naman ng TESDA ang pagsasama-sama ng registry of certified workers, registry of skills priorities, at PhilJobNet na kasalukuyang nasa ilalim ng DOLE.

Ang ahensya ay orihinal na isang attached agency ng DOLE ngunit inilagay sa ilalim ng pangangasiwa ng Cabinet Secretary noong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

Follow SMNI News on Twitter