NAGPAHAYAG ng lubos na pagkabahala ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa desisyon ng mga mambabatas na bawasan ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa isang pahayag, muling pinagtibay ng TESDA ang suporta nito sa Anti-Insurgency Task Force ng bansa.
Saad ng ahensya, labis itong nababahala sa desisyon ng mga mambabatas na bawasan ang budget ng task force.
“Like other government agencies, TESDA is deeply concerned with the lawmakers’ decision to reduce the task force’s budget,” anila.
Ayon kay TESDA Secretary Isidro Lapeña ,sa mahigit dalawa at kalahating taon na pinamunuan ng TESDA ang Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) ng NTF-ELCAC, ang ahensya, kasama ang mga miyembro ng cluster at mga kasosyo nito sa pribadong sektor ay nakapagbigay ng scholarship sa libu-libong mga indibidwal para ihanda sila sa mga trabaho o kabuhayan.
Ani Lapeña, karamihan sa mga benepisyaryo nila ay mga dating rebelde at mga katutubo.
Binanggit din niya na naiilawan nila ang ilang komunidad sa bansa, ang karamihan ay nasa mga geographically isolated at disadvantaged areas.
Nakapag-organisa rin aniya ang TESDA ng mga komunidad upang magamit ang kanilang potensyal at nang maisali sa mga pangmatagalang economic enterprises.
Binigyang diin ni Lapeña, ang NTF-ELCAC, kasama ang lahat ng mga pagsisikap nito, ay matagumpay na nabawasan ang impluwensya ng mga komunistang teroristang grupo sa bansa.
“The NTF, with all its lines of effort, has successfully diminished the influence of communist terrorist groups in the Philippines,” giit nito.
Saad ng opisyal, ang pagbabawas sa kakayahan ng task force na isagawa ang mandato nito sa panahong ito ay makakaantala sa landas ng pamahalaan tungo sa pangmatagalang katatagan at kapayapaan.
“Reducing the task force’s ability to continue its mission at this point in time will slow down the work of the government towards sustainable progress and peace and order,” aniya.
Dagdag ni Lapeña, ang mga residente ng bansa, partikular na ang mga nasa malalayong lugar, ang magdurusa sa naturang desisyon.