PORMAL nang umupo ang bagong liderato ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at isa sa prayoridad nito ay ang mga kabataan.
Araw ng Martes ay pormal nang umupo si dating Sultan Kudarat Governor Suharto ‘Teng’ Mangudadatu bilang TESDA Director General.
Pinalitan nito si Danilo Cruz na halos isang taon ding nagsilbi sa ahensiya.
Bilin ni Cruz kay Mangudadatu na ipagpatuloy ang mga nasimulang reporma sa kagawaran.
Kabilang na decentralization sa approval ng TESDA scholarships at ibigay ang pagpapasya sa regional offices nila.
Present ang maraming government officials sa turn-over ceremony sa TESDA office.
Tanda ng malakas na suporta sa bagong liderato.
Ayon kay Mangudadatu, ito ang kaniyang pinaka-unang puwesto sa national government.
Bukod sa pagiging governor, dumaan ito sa pagiging congressman at mayor.
Kilala ang pamilya Mangudadatu sa public service.
Katunayan, ang kaniyang anak na si Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu ang pinakabatang gobernador sa buong bansa sa edad na 25.
Kaya, tututukan nito ngayon ang pagpapalakas sa mga kabataan.
“If you look before during the time of Ferdinand ‘Macoy’ Marcos before, the Sangguniang Kabataan o KB- Kabataang Barangay was so active, pag KB ka talagang quality at maganda yung output mo,” pahayag ni Sec. Suharto ‘Teng’ Mangudadatu, Director General, TESDA.
Saad ng bagong TESDA Chief na panay social activities ang mga Sangguniang Kabataan (SK) ngayon.
Gaya ng mga pa-liga, pa-pageant at kahit anu-anong mga gimik.
Kaya sa panahon niya sa TESDA, skills training ang kaniyang isusulong para sa mga kabataan.
“It’s just a matter of tapping lang, coordinating with our SK para naman ma-develop natin yung mga bata at the early stage being elected as Sangguniang Kabataan,” dagdag nito.
Sinasapinal na aniya ngayon ng TESDA katuwang ang kanilang stakeholders ang mga programa na patututukan nila.
Basta’t ang resulta ay maging mabuting mamamayan ito na may ambag sa bayan.
“Whole of nation approach ika nga. Andiyan na si TESDA, andiyan pa yung Sangguniang Kabataan na elected din. So kung sila ay magsama-sama dun we can ensure na made-develop natin yung mga kabataan natin towards dito sa program,” aniya pa.
Tututukan din ng bagong TESDA chief ang Halal courses and programs para sa lahat.
Pati na ang harmonization ng K-12 program para maging job equip ang mga bunga nito.
Bagamat bago man sa serbisyo, tiwala si Mangudadatu na maipatutupad nito ang mga repormang pinagagawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Na maging abot-kamay sa lahat ang mga serbisyo ng TESDA.
At ang susi aniya, ay ang pagtutulungan nila sa ahensya.
“Again, maraming salamat Pangulong Bongbong Marcos sa pagbibigay ng pagkakataon na ako po ang magdadala ng ating TESDA,” pagtatapos ni Mangudadatu.