TESDA, may nakahandang tulong sa OFWs galing Sri Lanka na uuwi ng Pilipinas

TESDA, may nakahandang tulong sa OFWs galing Sri Lanka na uuwi ng Pilipinas

INIHAYAG ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na may nakahanda itong tulong sa overseas Filipino workers (OFWs) galing Sri Lanka na uuwi ng Pilipinas.

Inilatag ng TESDA ang mga bagong programa na ipinapatupad sa taong ito maging ang tulong na maipagkakaloob para sa mga OFW na nakatakdang uuwi ng Pilipinas.

Tulad noong kasagsagan ng pandemya, mahigit isang milyon ang mga umuwi na OFWs sa Pilipinas.

Sinabi ni TESDA Deputy Director General Aniceto “John” Bertiz III, nabigyan ng mga bagong pagsasanay, bagong kaalaman, at kakayahan ang naturang OFWs tungo sa kabuhayan.

Ngayon namang may mga OFW na inaasahang pauwi na ng Pilipinas sa mga susunod na linggo mula Sri Lanka, tiniyak ni Bertiz na may mga nakahandang programa ang TESDA para sa mga ito.

 “Nakahanda po ang TESDA, dahil ang TESDA po, naglagay po kami ng TESDA desk sa lahat po ng airports, sa lahat po ng ating mga opisina. So mayroon po tayong divisions dito na hinahawakan, particularly focusing on the re-integrations of our overseas Filipino workers,” pahayag ni Bertiz.

Hindi lang aniya sa pagbibigay ng mga bagong kaalaman kundi  hinihikayat din ng TESDA ang OFWs na sumailalim sa pagsasanay sa larangan ng agrikultura at konstruksyon.

Samantalang tinutulungan naman ang iba sa ilalim ng RISE Program ng TESDA o ang Re-Integration for Skills Employment Program katuwang dito ang Overseas Workers Welfare Administration-National Reintegration Center for OFWs (OWWA-NRCO).

Dito, sinasanay ang mga umuwing OFW na matuto ng pagnenegosyo.

Kasabay nito, ani Bertiz, magkakaroon din sila ng access sa financial partner ng TESDA gaya ng National Reintegration Center for OFW (NRCO).

Bukod dito, mayroon din aniyang TESDA online program.

“Dahil na rin po sa ating TESDA online program na kahit nasa abroad pa ang ating mga kababayan ay nagkakaroon na po sila ng mga bagong kaalaman through reskilling at skilling and retooling,” ani Bertiz.

Sa kabilang banda, ibinahagi ni Bertiz na isa sa top priority sector ng administrasyon ang agrikultura.

Naayon aniya ito sa direktiba at agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“Iyong ating aggressive agriculture technical development ng mga skills courses po. At ito po ay isa sa ating mga prayoridad, one of our top priority sectors is agriculture,” ayon kay Bertiz.

Kaya ngayong 2022, inihayag ni Bertiz na mayroong nakalaan na 50,000 slots para sa farm school scholarship program o Rice Extension Services Program (RESP).

Kasalukuyan aniyang nagpapatuloy ang enrolment para sa naturang slots.

“Sa ngayon po, hindi pa po napunuan pero mayroon na po—ongoing po iyan, whole year round. Ongoing po iyong ating mga enrolment at iyong mga pagpupuno po ng mga slots natin. Nationwide po iyan,” ayon pa ni Bertiz.

Noong taong 2020 hanggang 2021, nasa higit 60,000 ang enrollees, at lagpas 50,000 ang mga graduate sa ilalim ng naturang programa.

Saysay pa ng TESDA, malaking tulong ang programa para sa pagpapalago ng agrikultura sa bansa at maipababa ang mga cost of production.

 

Follow SMNI News on Twitter