Thailand, nagbigay babala sa publiko dahil sa pagtaas ng polusyon sa Bangkok

Thailand, nagbigay babala sa publiko dahil sa pagtaas ng polusyon sa Bangkok

NAGBIGAY babala sa publiko ang mga awtoridad ng Thailand dahil umabot na sa unhealthy level o hindi ligtas na antas ang polusyon sa Bangkok kung kaya’t pinayuhan na rin nila ang mga empleyado ng gobyerno sa kabisera na mag-work from home sa susunod na dalawang araw.

Ang air pollution na nararanasan ngayon ng bansa ay sanhi ng mga pagsunog ng mga pananim, industrial pollution at mabigat na daloy ng trapiko.

Ayon kay Prime Minister Srettha Thavisin, ang pagsunog ng mga pananim ang siyang pangunahing dahilan sa likod ng pagtaas subalit ang halos kwarter ng polusyon ay nagmumula sa mga sasakyan.

Dagdag pa nito, humigit-kumulang 25% ng polusyon sa Bangkok ay nagmumula sa maruming emisyon ng mga sasakyan.

Ayon naman sa Swiss air quality tracking website na iQAir, ang antas ng fine inhalable particle sa lungsod ay 15 beses na mas mataas kaysa inirerekomendang antas ng World Health Organization.

Ayon naman sa gobernador ng Bangkok na si Chadchart Sittipunt, hinahangad nila na mapigilan ang polusyon sa trapiko kaya naman pinayuhan nila ang mga kawani sa mga ahensiya ng Metropolitan Administration na magtrabaho mula sa bahay at inanyayahan ang iba pang mga empleyado na gawin ito.

Nag-alok din ang gobyerno ng tulong para sa mga magsasaka upang maiwasan ang pagsusunog sa mga pananim.

Samantala, isinasaalang-alang naman ng mga mambabatas ng bansa ang pagpapanukala ng clean air act para sa transportasyon, negosyo at agrikultura upang mabawasan ang polusyon sa mas malawak na antas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter