Thailand, sinuspinde ang ‘lese majeste case’ ng dating punong ministro hanggang Mayo 29

Thailand, sinuspinde ang ‘lese majeste case’ ng dating punong ministro hanggang Mayo 29

IPINAGPALIBAN ng Office of the Attorney-General o OAG ang desisyon nito sa kaso ng lèse-majesté laban sa dating Punong Ministro na si Thaksin Shinawatra hanggang Mayo a-bente nuwebe.

Sinabi ng isang tagapagsalita para sa tanggapan ng attorney general na muling ipinagpaliban ang pagsasakdal habang hinihintay pa nila ang karagdagang ulat ng interogasyon mula sa pulisya.

Kasama rin sa kaso ang mga paratang  na may kaugnayan sa kanyang panayam sa dayuhang media noong Mayo 2015.

Ang kaso ng royal defamation laban kay Thaksin ay naantala sa unang pagkakataon noong Pebrero a-dise nwebe matapos sabihin ng mga tagausig na wala sa tamang kondisyon ang kalusugan nito upang talakayin ang kaso.

Lumitaw nga ito sa pulong na nakasuot ng neck brace at naka-wheelchair.

Inaasahan ang desisyon noong Miyerkules ngunit sinabi ng tagapagsalita ng OAG na ang imbestigasyon ay nasa pitumpu hanggang walumpung porsyento pa lamang, at kailangan pa ng higit pang oras para magtrabaho sa kaso.

Ang batas ng lese-majeste sa Thailand ay isa sa pinakamahigpit sa mundo. Itinuturing ng batas na ilegal ang paglapastangan, pag-insulto, o pagbabanta sa monarkiya ng Thailand na kinabibilangan ng hari, reyna, tagapagmana-sa-trono, presumptive heir, o regent.

Ang mga parusa ay naglalaro naman mula tatlo hanggang labinlimang taong pagkakakulong para sa bawat pagkakasala.

Si Thaksin ay tinanggal sa kapangyarihan sa pamamagitan ng isang kudeta militar noong 2006.

Matapos ang labinlimang taon ng kusang-loob na pagpapatapon sa sarili, ang maimpluwensyang bilyonaryo ay bumalik sa Thailand noong Agosto 2023, kung saan siya ay inaresto dahil sa mga paratang na may kaugnayan sa korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.

Binawasan ng hari ng thailand ang kanyang sentensiya sa walong taon, at pagkatapos ng wala pang anim na buwan na pagkakakulong, siya ay binigyan ng parol noong Pebrero a-dise otso dahil sa katandaan at mahinang kalusugan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter