MULING binuhay ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ang “Tienda ni Gob” trade fair na magsisimula sa Pebrero 26 hanggang Marso 2.
Ayon kay Elma Gabriel, namumuno ng Small and Medium Enterprise Office ng gobyerno, gaganapin ang 5-day event sa kahabaan ng riverside ng Juan Luna Street.
Kasabay ng Tienda ni Gob ang Pamulinawen Festival ng Laoag at ang selebrasyon ng pagkatatag ng lungsod.
Layunin ng nasabing trade fair na makatulong sa mga lokal na negosyante at ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na maibenta ang kanilang mga produkto habang sinusubukang buhayin muli ang ekonomiya sa panahong ito ng pandemya.
Ang mga kalahok ay mula sa 21 na munisipyo at dalawang lungsod ng Ilocos Norte.
“We expect about 30 MSMEs who will be selling freshly picked vegetables, processed meat products, and other native and quality items unique in every municipality or city, as well as clothes and plants,” pahayag ni Gabriel.
Lalahokan din ito ng Department of Science and Technology upang magbigay ng libreng kalibrasyon ng mga timbangan.
Naroon din sa kaganapan ang mga safety officer upang matiyak na masunod ang health protocols.
Sinisikap ng Provincial Health Task Force na mawala ang kaso ng coronavirus disease 2019 na ngayon ay nasa 27 na lamang ang bilang ng aktibong kaso.