AGOSTO 2023 pa lamang nang palutangin ng Makabayan Bloc ang posibleng paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa isyu ng P125-M confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022.
Mismong si VP Sara na ang nagkumpirma na mayroon ngang bantang impeachment laban sa kaniya.
At ang pagpapaimbestiga ng Kamara sa OVP ay para maghanap ng butas.
Ngunit para sa political strategist na si Prof. Malou Tiquia, kuwestiyunable ang timing kung itutuloy ng Kamara ang impeachment.
“Assuming mai-file nila ang impeachment, papasok tayo simula October 1 sa political season kasi magfa-file na ang mga candidates. Gugustuhin niyo ba na iipitin niyo ang Vice President? na magkaroon siya ng titindigan para gawing political issue ito?” ayon kay Prof. Malou Tiquia, Political Strategist.
At kung mangyari ito, mas kakampihan ng taumbayan si VP Sara.
Ayon kay Tiquia, nasa ¼ na ng House of Representatives ang sinasabing susuporta sa impeachment.
Prof. Tiquia: Mulat na ang tao sa ginagawang isyu sa mga Duterte
Samantala, hindi naman inaalis ni Tiquia ang impact ng Duterte-Duterte tandem nina VP Sara at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Lalo pa’t ang dalawa ang nakikita ni Tiquia na subject ng mga imbestigasyon sa Kamara.
Ani Tiquia, si dating Pangulong Duterte ang target sa EJK at POGO investigation ng Quadcom Committee.
“In a scenario na magsama ‘yung dalawa under 1 political party, sa tingin ko magkakaroon ng problema ang administrasyon kahit na sila may machinery at may pondo,” ayon pa kay Prof. Tiquia.
Sa kabila nito, nakikita naman ni Tiquia na mulat ang mga Pilipino sa mga nangyayari sa politika.
Malayo sa tugon na hinahanap ng tao sa mga pangunahing isyu ngayon sa bansa.
“Ang hindi nila nakikita, ang galit ng mga botante. Voters are angry because of what we are seeing here. Galit ang botante dahil nakikita natin nanloloko ‘yung mga nahalal, na taas ng korapsiyon, ang serbisyo-publiko ay napaka-pangit at tuwi na lang uulan may baha, tuwi na lang rush hour napakatindi ng…wala kang nararamdamang gobyerno,” giit nito.