Timor-Leste President Ramos-Horta, bibisita sa Pilipinas sa November 10

Timor-Leste President Ramos-Horta, bibisita sa Pilipinas sa November 10

NAKATAKDANG bumisita sa Pilipinas si Timor-Leste President José Ramos-Horta sa Nobyembre 10, araw ng Biyernes.

Ito ang inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO).

Layon ng naturang state visit na higit pang palakasin ang bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste.

Inaasahang matatalakay ang iba’t ibang larangan ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste sa aspeto ng teknikal, politika, edukasyon, at economic partnerships.

Kabilang sa Philippine agencies na dadalo sa naturang state visit ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Justice (DOJ), Department of Science and Technology (DOST), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Matatandaang sa isang bilateral meeting sa sideline ng 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia noong Mayo, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Timor-Leste ang patuloy na suporta ng Pilipinas sa hakbang nito tungo sa pagiging ganap na miyembro ng regional bloc.

Ang Timor-Leste ay dumalo sa 42nd ASEAN Summit bilang isang observer kung saan nagpahayag ng kagalakan si Pangulong Marcos sa aniya’y ‘journey’ nito tungo sa pagiging isang demokratikong estado.

Ang Pilipinas at Timor-Leste ay nagtamasa ng dalawang dekada ng pormal na diplomatikong relasyon na nakaangkla sa common history at cultural and people-to-people ties.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter