Martes ng gabi nang salakayin ng mga operatiba ng PNP Anti-cybercrime group at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ika-23 palapag ng Century Peak Tower sa Adriatico Street, Manila.
Nang makapasok na ang mga operatiba agad na tumambad ang maraming computers at mga empleyado na kinabibilangan ng mga Pilipino at foreign nationals.
Ayon sa PNP-ACG, pugad ito ng iba’t ibang uri ng scam gaya ng love at cryptocurrency scam.
Ang modus, paiibigin muna ang mga biktima na naghahanap ng karelasyon online at oras na mahulog na ang loob ay saka naman ito aalukin ng suspek na mag-invest sa cryptocurrency para sa kanilang kinabukasan.
Pero, oras na wala nang pera o makukuha ang suspek sa biktima, saka naman nito iba-block ang biktima.
“Dahil love scam, kunwari relationship ang hinahanap niya (biktima) i-engage nila yun hanggang sa mapaibig nila yung biktima and then sasabihin nila na invest ka sa cryptocurrency and ito mayroon akong cryptocurrency account para mayroon tayong investment, mayroon din ako at kapag bumibigay yung biktima ay bigla nalang mawawala yung kanyang crypo account,” ayon kay PCol. Jay Guillermo Chief, Cyber Response Unit, PNP-ACG.
Sa nasabing operasyon, 69 na mga dayuhan na kinabibilangan ng 34 Indonesian national, 10 Malaysian national at 25 Chinese national.
Sa kasamaang palad, pinalaya rin ang mga dayuhan nang itinurn-over ito sa Bureau of Immigration dahil wala pa naman daw naisasampang kaso laban sa mga ito.
Iniiwasan raw kasi ng ahensiya na magkaproblema sa arbitrary detention lalo pa’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa mga nakuhang mga ebidensiya mula nasa nasabing operasyon.
Lumalabas na ang gusali ang nagsisilbing pansamatalang opisina ng mga hindi rehistrado at di reguladong mga POGO.
Napag-alaman na nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga ito sa kabila ng kawalan ng permit at lisensiya noon pang Nobyembre noong nakaraang taon.
“Ongoing pa ‘yung investigation. Kinukuha pa namin ‘yung mga ebidensiya and it is possible na kung sinuman yung may ari ng floors, itong floor na iyon so pag ma-identify ‘yun syempre kung anong pwedeng kaso ang isasampa namin sa kanya, isasampa namin sa regular filing,’’ saad ni PCol. Jay Guillermo.
Sa huli, muling nanindigan ang PNP na hindi sila titigil hangga’t hindi mapuksa ang problema ng POGO sa bansa gayundin ang pagtugis sa mga sinasabing malalaking tao, grupo o indibidwal na nasa likod ng ilegal na operasyon ng mga ito.