PORMAL nang sinampahan ng reklamo ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Makati Prosecutor’s Office ang tinaguriang “Poblacion Girl” na si Gwyneth Anne Chua.
Kasong paglabag sa R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isinampa kay Chua.
Bukod kay Chua, kinasuhan din ang mga magulang at nobyo nito at limang staff ng Berjaya Hotel Makati.
Kinilala ni Police Colonel Randy Glenn Silvio ng CIDG NCR ang iba pang respondent sa kaso na sina Allan Chua, tatay ni Gwyneth; Gemma Chua, ina ni Gwyneth; at Rico Atienza, nobyo ni Gwyneth.
Gayundin sina Gladiolyn Blala, hotel resident manager; Den Sabayo,assistant resident manager; Tito Arboleda, security manager; Esteban Gatbonto, security/doorman; at Hannah Araneta, front desk/counter personnel.
Hindi naman kinasuhan ng CIDG ang mga close contact ni Chua pero inirerekomenda at hinihikayat nila ang mga ito na maghain ng reklamo laban sa dalaga.