KASALUKUYAN pang iniimbentaryo at inaalam ng Bureau of Customs (BOC) kung sino ang consignee o may-ari ng mga asukal na nadiskubre sa isang bodega sa Nasugbu Batangas na tinatayang aabot sa P1.8-B.
Isinagawa ang raid batay sa letter of authority o visitorial power ng BOC sa alinmang bodega na pinaghihinalaang pinag-iimbakan ng posibleng smuggled items.
Batay sa inisyal na pagtaya ng BOC ay lagpas pa sa 181, 000 na sako ng mga imported refined sugar at halos 198,000 sako naman ng local na puting asukal ang nadiskubre sa loob ng bodega.
Sinabi ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na hinihintay pa ang mga kaukulang dokumento pero kapag napatunayang smuggled ang naturang mga asukal ay idedeklara na itong kumpiskado at sasampahan nila ng kaso sa korte ang may-ari ng mga asukal.